Isa sa mainstays ng longest-running gag show na Bubble Gang, inihayag ni Chariz Solomon na hindi siya nagustuhan noong una ng direktor nitong si Caesar Cosme.

"Si Direk Cosme is very vocal with me na, 'Hindi ka talaga namin gusto noong una. Kasi ang laki mo, ang OA mo,'" kuwento ni Chariz sa Updated with Nelson Canlas.

"Masyadong malaki 'yung galaw, 'yung movements. Hindi siya bagay doon sa Bubble Gang brand," ayon pa sa komedyana.

Sa likod nito, gusto lamang daw ng direktor, na siyang creative consultant ng programa, na mag-improve pa siya bilang cast ng Bubble Gang.

"Alam ko naman kung bakit niya sinasabi sa akin 'yun, tapos nandito pa rin ako. Sinasabi niya sa akin kasi gusto niyang sabihin na 'You have grown a lot, na nag-improve ako," sabi ni Chariz.

Hindi sinukuan ng direktor at ng writers si Chariz, hanggang sa makuha niya ang tamang atake para sa show.

"Na-appreciate ko naman, tsaka at least they didn't give up on me. Tapos tinry pa rin nila akong ipasok nang ipasok over the years, hanggang sa nakuha nila 'yung gusto nila, hanggang 'yung time na kinailangan na talaga nila ako."

Isa si Chariz sa mga sumali sa StarStruck Season 4 noong 2006. —LBG/VBL, GMA Integrated News