Humabol ngayong 2022 bilang bagong celebrity parents sina Xander Ford at ng kaniyang partner na si Gena Mago.
Sa Facebook video, ibinahagi ni Xander na isinilang na ni Gena ang kanilang baby boy na si Xeres Isaiah.
READ: Mga celebrity baby na isinilang ngayong 2022
Ibinahagi rin ni Xander ang hirap na pinagdaanan umano ni Gena bago ipanganak ang kanilang baby.
Makikita rin ang pag-aalala ni Xander, o Marlou Arizala sa tunay na buhay, sa kaniyang partner habang nanganganak ito sa delivery room.
Napawi naman ang kanilang puyat at pagod nang masilayan na nila ang kanilang baby boy.
"Sobra-sobrang tuwa ko, sobra-sobrang saya ko kasi nakita ko siya. Nakita niyo naman, sa akin talaga siya nagmana. Proud ako na anak ko siya," sabi ni Xander.
Nagbahagi rin si Xander sa kaniyang Instagram ng isang larawan kasama ang kaniyang mag-ina habang nasa ospital.
"Ready na akong ipakilala ka sa lahat anak ko," caption ni Xander sa post.
--FRJ, GMA Integrated News

