Kasabay ng kaniyang patuloy na pagpapagaling sa Amerika dahil sa autoimmune disease, kasama ni Kris Aquino na namasyal sa Disneyland ang kaniyang mga anak na sina Josh at Bimby.

Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Kris ang mga larawan at video ng kanilang pagbisita sa naturang theme park.

Ayon kay Kris, pagtupad niya ito sa kaniyang pangako kay Josh na mabisita nila ang "happiest place on earth."

"Promise fulfilled... Because I gave kuya Josh my word," saad ng Queen of All Media.

Kasama sa video ang bonding ng mag-iina, kasama na ang pagsakay nila sa rides at masaya nilang paglalakad sa park.

May matamis pang mensahe si Kris sa kaniyang mga anak tulad ng "I feel like you are the reward for everything I did right in my life" at "My heart belongs to my boys."

"We've been together a long time now. We've laughed and cried and seen each other through our best and worst and everything in between. And whenever I look at you, I feel even more love than I've ever felt before," saad ni Kris sa video.

Nagpakita rin ng kaunting update si Kris tungkol sa kaniyang kalagayan.

Ikinatuwa ng netizens nitong Enero na tila bumubuti ang kalagayan ni Kris at nadagdagan na ang kaniyang timbang.

Natuklasan na Eosinophilic granulomatosis with polyangiitis o EGPA, na dating kilala bilang Churg-Strauss Syndrome, ang kondisyon ni Kris.

Ang EGPA ang nagdudulot ng asthma, weight loss, muscle at joint pain, at gastrointestinal issues na pumigil sa kaniyang makabiyahe noon. —VBL, GMA Integrated News