Hindi mapigilan ng fans na kiligin sa muling pagkikita nina Klay at Fidel nang iligtas ng binata ang dalaga sa episode ng “Maria Clara at Ibarra” nitong Martes.

Sa naturang episode, mapapanood na nakabilanggo si Klay matapos mahuli ni Padre Salvi, ngunit pinasok ni Fidel ang kulungan at kinalaban ang mga Guardia Civil.

Naging emosyonal sina Klay, na ginagampanan ni Barbie Forteza, at Fidel, ginagampanan ni David Licauco, sa muli nilang pagkikita.

“Sobrang na-miss kita. Kung alam mo lang,” sabi ni Klay kay Fidel.

“Kay tagal kitang hinintay binibining Klay. Salamat at nagbalik ka,” tugon ni Fidel kay Klay.

Mas pinakilig pa nina Klay at Fidel ang viewers nang kamuntikan na silang maghalikan, ngunit naudlot nang dumating ang kutserong si Hernando at binalaan silang hinahabol sila ng mga guardia civil.

“The chemistry is absolutely overflowing! FiLay was a very fortunate accident, a loveteam we never knew we needed! Serendipity at its finest indeed for Barbie and David! Road to more FiLay moments nato for the last 8 days ng MCAI! ????????????” komento ng isang netizen.

“Nagkita na ang magsing-irog!! Nakakakilig naman!! Grabe sa mga eksena tlagang kaabang abang!! ????????????????????” ayon sa isa pa.

 

“May continuation ang “FiLay” love story, may continuation or elevation. Everything with Klay and Fidel was a coincidence. Parang it’s a fortunate accident, serendipity talaga siya,” sabi ni Barbie sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras.

“Ang masasabi ko lang is lalayag pa rin ang FiLay. Kailangan naming pasayahin ‘yung fans ng FiLay, so as a team, ‘yun ang ipakikita pa rin naming sa El Fili,” sabi naman ni David.

Excited na sina David at Barbie sa kahihinatnan ng love story nina Klay at Fidel.

Isang bagong Fidel na ang nadatnan ni Klay sa pagbabalik niya sa El Filibusterismo, dahil kasapi na ang binate ng mga tulisanes.

“Kung mahal mo ang isang tao at saka nakita niya na ‘yun ang ginagawa ng babaeng minamahal niya, pwede talagang magbago ka rin, magkaroon ka ng character development. And I think ‘yun ang nangyari kay Fidel,” ani David.

“Para sa akin, hindi siya pagiging selfish. It’s more of pagiging selfless. Kasi sa mundo niya, sa modern world wala na nga siyang nagagawa eh. So this time baka sa mundong ito may magawa siyang pagbabago. Naalalala ko nga ‘yung sinabi sa akin ni Mr. Torres, na pagmamahal ang magiging dahilan mo kung bakit ka mananatili sa mundong ito,” sabi ni Barbie. —LBG, GMA Integrated News