Hindi raw inasahan nina Chito Miranda na makikita ang polo na isinuot ni Francis Magalona sa kanilang “Bagsakan” music video. Ipasusubasta ang polo na ang kikitain ay gagamitin sa pagpapagamot ni Gab Chee Kee ng Parokya ni Edgar.

Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Chito na nagpadala siya ng mensahe kay Saab Magalona sa isa sa mga anak ng yumaong Master Rapper.

“Tingnan nyo kung ano yung nahanap namin. Yung polo ni Sir Kiko sa Bagsakan,” ayon kay Chito.

Matapos lamang ang ilang araw, nagpadala si Saab ng larawan ng polo.

“[And] pumayag si Ma'am Pia ipa-auction yung polo ni Sir Kiko for Gab!!!" sabi ni Chito, na tinutukoy ang asawa ni Francis M. at ina ni Saab.

 

 

"Game on!!!” saad ni Chito.

Enero nang ihayag ni Chito na naospital si Gab dahil sa pneumonia, na komplikasyong dulot ng kaniyang lymphoma.

Nagtulong tulong ang kanilang mga kaibigan sa music industry na kumalap ng funds, tulad na lamang ng gitarang may pirma ng Eraserheads na naibenta sa halagang P1.3 milyon.

Gaganapin din ang fundraising gig na Resbak Para Kay Gab tampok ang OPM artists sa Marso 4. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News