Para kay Snooky Serna, malayo ang mararating ng “Underage” stars na sina Lexi Gonzales, Elijah Alejo at Hailey Mendes, dahil sa kanilang pagiging responsable at mapagpakumbaba.

“I have faith in these three women, I believe in their talents. I know that they will go places talaga. Nakikita ko kasi ‘yung determination nila to do good in their craft,” sabi ni Snooky sa isang panayam sa Kapuso Showbiz News.

Inihayag ni Snooky ang mga nakita niyang pag-uugali na kaniyang nagustuhan sa tatlong dalaga na bida ng naturang Kapuso afternoon series.

“Una sa lahat, they love their job, they love acting, they love what they are doing, they have the discipline, they have the sense of responsibility. And also, they are very humble. Importante ‘yun na meron silang sense of humility and sense of gratitude also. Na sa pakikitungo nila sa mga tao importante rin kasi ‘yun eh, hindi lang ‘yung magaling kang umarte kundi marunong ka ring makisama,” anang veteran actress.

“Nakaka-endearing sila sa mga taong nakakasama nila,” dagdag pa ni Snooky.

Inilahad ni Snooky ang mga tingin niyang sangkap para magtagumpay hindi lang sa showbiz kundi pati sa ibang trabaho.

“Para sa akin ang ingredients to success is of course, you do your job properly, you be responsible about your job, and you treat your people well, and you have a sense of gratitude sa itaas. Hindi ka nakakalimot,” anang aktres.

“‘Yan ang tatlong qualities na nakikita ko sa mga bata. They have a good heart, they are hard workers and they have faith in God. They are very spiritual. They have all the ingredients to be successful in life and in their careers and in their chosen field,” sabi ni Snooky tungkol sa kaniyang co-stars sa series.

Gumaganap si Snooky sa serye bilang si Velda Gatchalian, na gagawin ang lahat para maparusahan ang pumatay sa kaniyang anak na si Leo, kung saan pinaghihinalaan ang Serrano sisters na sina  Celine (Lexi), Carrie (Hailey), at Chynna (Elijah).--FRJ, GMA Integrated News