Ibinasura ng Supreme Court (SC) Third Division ang kasong rape at acts of lasciviousness na isinampa ni Deniece Cornejo laban sa aktor at TV host na si Ferdinand “Vhong” Navarro.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing binaliktad ng mga mahistrado ang naunang desisyon ng Court of Appeals noong July 2021 at September 2022, na ipagpatuloy ang pagdinig sa kaso.

Ang naturang kaso ay nag-ugat sa reklamo ni Cornejo tungkol sa insidenteng nangyari noong 2014.

Agosto 2022 nang iutos ng Court of Appeals (CA) sa City Prosecutor ng Taguig City na sampahan ng kasong rape at acts of lasciviousness si Navarro.

Pagbaliktad ito sa naunang desisyon ng piskal ng Department of Justice (DOJ) na ibasura ang kaso dahil sa kawalan ng merito.

Kabilang sa mga pinuna ng mga mahistrado ng SC sa pagbasura ng kaso laban kay Navarro ang pabago-bago umano ng mga testimonya ni Cornejo. —FRJ, GMA Integrated News