Inihayag ni Ashley Ortega na ang kapuwa Kapuso na si Juancho Triviño ang kaniyang “first love” at “first boyfriend.”

“Na-fall ka na ba sa leading man?” tanong ni Tito Boy kay Ashley sa Fast Talk segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Yes,” tugon ng dalaga na lead star Kapuso series na "Hearts on Ice."

Napatanong si Tito Boy kung sino ang lalaking tinutukoy ni Ashley.

“Juancho Triviño. He was my first boyfriend. I mean, naging out namin kami dati,” pag-amin ng aktres.

“First love and my first… Waahhhh!” pagpapatuloy ni Ashley, na tila nagulat din sa kaniyang rebelasyon.

Nagkatrabaho na sina Ashley at Juancho sa ilang Kapuso shows, tulad ng My Destiny at InstaDAD, at nag-guest pa sa Wowowin.

Ngayon, kasal na si Juancho sa Kapuso star na si Joyce Pring, at magiging dalawa na ang kanilang anak.

Moving forward naman si Ashley matapos makipaghiwalay sa alkalde ng Lucena na si Mark Alcala. -- FRJ, GMA Integrated News