Sinorpresa ni EA Guzman ang kaniyang nobyang si Shaira Diaz na nagdiriwang ng kaarawan sa GMA morning show na "Unang Hirit." Pero may "kasama" pang K-pop star ang aktor na lalong nagpakilig sa actress-host.

Bukod sa bulaklak, bitbit ni EA sa pagbisita sa "UH" ang standee ni BTS member Jungkook na paborito ni Shaira, na walang tigil sa pagtawa.

“Happy, happy birthday," sabi ni EA kay Shaira. "Alam mo, sabihin ko na dito na hindi ako magsasawang salubungin ang birthday mo every year, and hindi ako magsasawang mahalin ka.”

Pinasalamatan din ng aktor ang “Unang Hirit” family sa pagbibigay ng pagkakataon kay Shaira na ipamalas ang hosting skills ng aktres.

“I’m very happy and proud of her kasi every time na may nagba-viral siyang mga video, 'yung mga may talagang masasayang ginagawa dito ay tuwang-tuwa ako,” anang aktor.

Dagdag ni EA, “Mahal na mahal kita. Gusto ko sabihin sa‘yo na lagi mong tatandaan na marami kang napapasayang tao.”

Matapos ibigay ang mga regalo at matamis na mensahe, nagluto naman si EA ng adobong tuyo na isa sa mga paborito ni Shaira.

Nitong nakaraang Pebrero, ipinagdiwang nina Shaira at EA ang ika-10 taong anibersaryo ng kanilang relasyon.—FRJ, GMA Integrated News