Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, tinanong sina Epy Quizon at Gabby Eigenmann kung mas mahusay silang aktor at better person kaysa sa kani-kanilang namayapang ama na sina Dolphy at Mark Gil?
“My father was the better person, for sure ‘yon. Better actor, hands down, siya, siya talaga,” sabi ni Epy patungkol sa kaniyang amang Comedy King na si Dolphy.
“Ganu’n din. Ano lang naman kami, sumulpot lang kami sa mundo eh, but sila na ‘yan eh,” pagsegundo naman ni Gabby patungkol sa kaniyang ama na si Mark.
“The thing that differentiates us is, I’m more patient than my dad. My dad had hot temper,” paliwanag pa ni Gabby.
Sa kabila ng hiwalayan noon nina Mark at aktres na si Irene Celebre, sinabi ni Gabby na pinanatili ng kaniyang ama ang relasyon nito sa kanilang magkakapatid.
“Hindi kasi ako laking daddy. My parents were separated at a young age. But hindi kami nagkaroon ng wall, he was always there, whether to support us financially, nandodoon siya. We never missed a moment na hindi namin siya nakikita,” sabi ni Gabby.
Samantalang si Epy, thankful na tinuruan siya ni Dolphy patungkol sa "lenggwahe ng kalsada."
“Ako ang pareho namin is we know the lingo of the streets. Ibato mo ako sa Tondo, ibato mo ako kahit saan, alam ko kung paano makisama sa mga tao. Alam ko ang lenggwahe ng kalsada. My father knew that, ‘yung lenggwahe ng kalsada,” sabi ni Epy.
Sa kabila ng kanilang mga narating sa showbiz, hindi kinokonsidera nina Gabby at Epy ang mga sarili bilang mga “superstar.”
“Superstars? No. I don’t consider myself as a superstar. I’m not even a celebrity,” sabi ni Gabby.
“Never,” sabi naman ni Epy.
Inilahad ni Gabby ang kaniyang kahulugan ng success.
“For me, being contented with what I have, that’s success for me,” sabi niya.
“When you do something, when you do a role and you are fulfilled with what you did, alam mong masaya ka at alam mong mapapasaya mo ang tao. That alone is contentment or fulfillment,” sabi ni Epy.
“Ako kasi, iba ‘yung may pat on the back ka eh, that’s from the outside,” dagdag naman ni Gabby.
Parehong mapapanood sina Epy at Gabby sa inaabangang "Voltes V: Legacy," na malapit anang mapanood sa GMA 7.
Si Epy ang gumaganap sa Boazanian scientist na si Zuhl, samantang si Gabby ay si Commander Robinson. -- FRJ, GMA Integrated News