Dalawang lalaki na nakatambay sa gilid ng kalsada ang nasawi matapos silang pagbabarilin ng riding in tandem sa Malasiqui, Pangasinan. Ang mga salarin, dinaanan mula ang dalawang biktima bago bumalik at saka pinagbabaril. Isang babae din ang sugatan.

Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Barang noong Sabado, Hulyo 25, 2026.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakaupo lang sa gilid ng kalsada ang mga biktima nang daanan at lampasan sila ng dalawang salarin na nakasakay sa isang motorsiklo.

Pero hindi nagtagal, lumiko at bumalik ang riding in tandem at doon na nila pinagbabaril ang dalawang biktima. Isinugod ang dalawa sa ospital pero hindi na umabot nang buhay.

Ayon sa Malasiqui Police Station, unang dumaan ang mga suspek sa harap ng mga biktima bago umikot at pinagbabaril ang mga ito noong Sabado, Hulyo 25, 2026.

Isang babae rin ang sugatan, at patuloy na nagpapagaling.

Ayon kay Ken Belo, kapatid ng isa sa mga biktima, naniniwala ang mga saksi na sadyang tinarget ang dalawa.

"Nakatambay lang po sila sa labas. Tapos may mga nakamanman daw. Sinasabi diyan sa labas, unang balik daw tiningnan muna sila, talagang target. Tapos nung pangalawang balik, doon na sila pinagbabaril," saad niya.

Walong basyo ng bala na mula sa kalibre na 9mm na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen at hindi na muna nagbigay ng iba pang impormasyon habang patuloy ang imbestigasyon.

"Sa ngayon ay hindi muna natin maaaring sabihin 'yung mga motibo o kung sino para hindi masira o ma-jeopardize 'yung ongoing investigation," sabi ni Police Lt. Col. Francisco Sawadan Jr., hepe ng Malasiqui Police Station. – FRJ GMA News