Sinabi ni Vic Sotto na naibigay na ang atrasadong talent fee niya sa noontime show na "Eat Bulaga."
Sa ulat ng PEP.ph, sinabing nakapanayam ng showbiz press si Bossing Vic sa media conference ng upcoming sitcom niya sa GMA na "Open 24/7" nitong Lunes.
"Bayad na! Okay na. Buti na lang na-media!" natatawang sabi ni Vic nang tanungin tungkol sa naturang talent fee.
"Oo, it's not a joke!" sabi pa ni Vic, na inihayag din sa isang ulat na, "Eat Bulaga' is here to stay."
Hindi na sinabi ni Vic kung ang tinutukoy niyang talent fee ay ang napaulat na P30 milyong hindi pa umano nababayaran sa kanila ng Television and Production Exponent Inc. (TAPE).
Ang naturang impormasyon ay galing kay Tito Sotto nang makapanayam kamakailan para sa podcast na "Updated With Nelson Canlas."
Ayon kay Tito, may utang din ang TAPE (producer ng Eat Bulaga) sa kaniya, at kay Joey De Leon.
"I am disappointed, at the very least. I am disappointed at what's happening. Lahat-lahat na," patungkol ni Tito sa kontrobersiya sa Eat Bulaga matapos na mapabalita na magkakaroon ng pagbabago sa show, batay na rin sa ibinigay na impormasyon ni Dapitan Mayor Bullet Jalosjos, na chief finance officer TAPE.
Tiniyak naman ni Jalosjos na mananatili ang mga host ng EB at magkakaroon ng mga bagong dabarkads.
Sinabi rin ni Jalosjos na financially stable ang TAPE.
"I want to assure everyone that we are financially stable. The company is okay. We're doing good. We can pay our talents. We can pay GMA so wala po tayong talagang problema when it comes to money," anang alkalde. —FRJ, GMA Integrated News