Nauwi sa madugong barilan ang pagsisilbi ng arrest warrant laban sa isang lalaki na may mga kasong pagpatay sa Zamboanga City. Kasama sa tatlong nasawi ang isang ama at 12-anyos niyang anak, habang ang dapat nilang dadakpin, nakatakas.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente kaninang madaling araw sa isang bahay sa Barangay Sinunuc,.

Ayon sa Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9), isisilbi ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan at militar ang mga arrest warrant para sa mga kasong pagpatay laban sa isang miyembro ng armadong grupo sa lugar.

Pero nang magpakilala na ang mga awtoridad, bigla umanong may nagpaputok ng baril kaya napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba para idepensa ang kanilang sarili.

Matapos ang sandaling palitan ng putok, tatlo ang nasawi at tatlo ang nasugatan, ayon sa pulisya.

Tinukoy ang mga nasawi na isang lalaki na 52-anyos, ang kaniyang 12-anyos na anak, 22-anyos na pamangkin. Tatlo pang miyembro ng pamilya ang nasugatan.

“When they were fired upon, they just employed necessary and reasonable force. They just fired back pero matagal yung palitan ng putok. Tumagal siya ng more or less 5 minutes,” ayon kay PRO-9 Spokesperson, Police Major Shella Chang.

Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang isang M16 rifle at isang granada. Nakatakas naman ang kanilang aarestuhin, na patuloy na tinutugis.

Iniimbestigahan ng pulisya kung ano ang kaugnayan ng nakatakas na suspek sa pamilyang nasa loob ng bahay kung saan nangyari ang barilan.

Hindi naman inaalis ni Barangay Sinunuc chairwoman Pilarica Ledesma ang posibilidad na nagkaroon ng mistaken identity.

Hustisya naman ang panawagan ng pamilya ng mga biktima.

“Pag-open ng pintuan walang kahit anung sinabi pinatay agad… hindi shootout kung shootout sana kahit isa lang eh lahat sila diyan pati yung babae pati bata,” ayon sa isang miyembro ng pamilya.

Nanindigan naman ang pulisya na ang naturang bahay ang pakay ng kanilang operasyon na isinailalim din umano sa ilang buwan na pagmamanman.

Tiniyak naman ng pamunuan ng PRO-9 na magsasagawa sila ng patas na imbestigasyon sa nangyaring insidente.—FRJ GMA News