Muling nagkaanak ang Hollywood actor na si Robert De Niro sa edad na 79.

Sinabi ng aktor, bibida sa upcoming movie na "About My Father," sa nakaraang panayam ng ET Canada, na pito na ang kaniyang anak.

"I just had a baby," saad niya.

Kinumpirma ng kinatawan ni De Niro sa ABC News ang pagkakaroon muli ng anak ng aktor pero hindi na siya nagbigay ng iba pang detalye.

Mayroon dalawang anak si De Niro sa una niyang asawa na si Diahnne Abbott na sina Drena, 51, at Raphael, 46.

Sa isa pa niyang dating asawa na si Grace Hightower, dalawa rin ang anak niya na sina Elliot, 25, at Helen, 11.

Kambal naman ang anak ng aktor sa dating karelasyon na si Toukie Smith, na sina Aaron at Julian, na 27-anyos. —FRJ, GMA Integrated News