Inihayag ni Camille Prats na si Ice Seguerra ang kaniyang inspirasyon kung bakit siya sumali sa Little Miss Philippines sa Eat Bulaga, at tumuloy kalaunan sa pag-aartista. Katunayan, proud siya na naging back-up dancer ng singer-songwriter.

“Noong nakita ko si Aiza (Ice) Seguerra sa Eat Bulaga, at nakita ko na puwede ‘yung bata sa TV, sinabi ko sa sarili ko na gusto kong maging ganu’n. As early as three years old, naka-set na talaga ‘yung mind ko na gusto kong lumabas sa TV. That’s how I remember it,” sabi ni Camille sa “Surprise Guest with Pia Arcangel” podcast.

“And then I told my mom that I wanted to join Little Miss Philippines and she said ‘no,’ because I was only three, tapos medyo hindi pa buo ‘yung salita [ko],” pagpapatuloy ni Camille.

Payo raw ng kaniyang ina, maghintay muna siya na maging apat na taong gulang, saka nila titingnan kung gusto pa rin niyang sumali sa naturang contest.

“When I turned four, ang sabi ng mommy ko, grabe raw ‘yung pangungulit ko sa kaniya. And I would think na grabe ‘yung pangungulit ko sa nanay ko kasi nakumbinsi ko siya at four na isali niya ako sa Little Miss Philippines,” sabi ni Camille.

Taong 1990 nang sumali si Camille sa Little Miss Philippines. Hanggang sa magtuloy-tuloy ang kaniyang pangarap at nakilala niya ang kaniyang idol.

“Oo, yes. Because I worked with her (Ice) many times when we were younger and sinabi ko talaga sa kaniya na ‘Ikaw ang dahilan kung bakit ako naging artista,’” anang “AraBella” star.

Hanggang sa kinuha si Camille bilang back-up dancer ni Ice noong kaarawan nito sa longest-running noontime show.

“I would follow her around, I became her back-up dancer in one of her birthday episodes in Eat Bulaga. I was really a fan. Kumbaga siya talaga ‘yung nag-open ng door for me. Kasi naiisip ko talaga na kung kaya niyang mapunta sa TV, kaya ko rin. And that really motivated me to do the things na gusto kong gawin kahit hiyang hiya ako,” balik-tanaw ng aktres.

Proud si Camille na nakasama niya sa stage si Ice na kaniyang idolo.

“Ang talent ko kasi is sayaw, so siguro nakita nila na marunong akong  sumayaw. Naghanap sila from that roster, ‘Kung sino ba ‘yung marurunong sumayaw na sumali dito sa Little Miss Philippines, tawagin natin sila tapos gawin natin silang back up dancers ni Aiza.’ Isa ako doon,” natatawa niyang sabi.

Dahil na rin sa kaniyang pagpupursigi na makapasok sa TV, napagtagumpayan ni Camille ang kaniyang pagiging mahiyain noong bata pa siya.

“Noong bata ako, mahiyain ako, sobra. Pero iniisip ko na lang na gusto ko ito eh, so ino-overcome ko ‘yung hiya ko. There were times na hindi talaga ako umarte, hindi talaga ako gumalaw sa audition. But more than that, it helped me overcome my shyness because I really wanted to come out on TV,” saad niya. -- FRJ, GMA Integrated News