"At the end of the day, family is family." Ito ang inihayag ni Matteo Guidicelli na hindi nawawalan ng pag-asa na darating ang araw na magiging maayos din ang lahat kanila ng mga magulang ng kaniyang asawa na si Sarah Geronimo.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-usapan ang relasyon ni Matteo sa ina at ama ni Sarah na sina Mommy Divine at Daddy Delfin.
Iniulat na tutol ang mga magulang ni Sarah sa pagpapakasal niya kay Matteo.
"I'd like to believe madam na things will be OK in time," ani Matteo. "I think lahat naman ng bagay sa buhay, hindi puwedeng pilitin. Timing-timing lang."
Patuloy ng balik-Kapuso na si Matteo, "Sana balang-araw maging OK ang lahat. Not just for me but for Sarah's peace of mind. Kasi at the end of the day, family is family."
Pebrero 2020 nang maganap ang kontrobersiyal na kasalan nina Matteo at Sarah, sa kabila umano ng pagtutol ni Mommy Divine.
Nitong Oktubre, gumawa ng mensahe si Sarah para sa kaniyang pamilya, at humingi ng paumanhin ang singer-actress na nasaktan niya ang mga ito sa kaniyang naging desisyon sa buhay.
Sa kaniyang pagbabalik-Kapuso, makakasama si Matteo sa GMA morning show na "Unang Hirit," gagawa ng docu series tungkol sa kalikasan, at bibida sa action series na "The Black Rider," kasama si Ruru Madrid. —FRJ, GMA Integrated News

