Nakilala ng dabarkads ang ina ni Rhian Ramos na si Clara Ramos, o Lay,  nang maging guest choices siya kamakailan sa segment na "Bawal Judgmental" sa "Eat Bulaga." Si Joey de Leon, maraming naaalala tungkol kay Lay noong kabataan nila.

Nang ilahad ni Clara na anak niya si Rhian, kaagad na napansin ng mga dabarkads ang malaking pagkakahiwag ng mag-ina kapag ngumiti.

Ayon Joey, bokalista noon ng isang banda si Clara, at nag-guest sila sa "Iskul Bukol." Ikinatuwa ni Clara na naalala pa ni Joey ang naturang guesting nila sa nabanggit na programa, na kasama rin sina Tito at Vic Sotto.

“Kung ‘di niyo maaalala ‘yung banda niya, nag-uumpisa yata sa X,” pag-alala ni Joey.

“‘Z,’” pagtama ni Lay. “Uy! You remember. ZZYZX (band).”

“Actually I was with several bands. May R&B, ZZYZX it was funk rock- new wave. ZZYZX was the most fun kasi one of our songs became part of the soundtrack of the movie ‘Bagets,’” pag-alala ni Lay.

“‘Di ba nag-guest kayo sa Iskul Bukol noong araw?” tanong ni Joey kay Lay.

“Oo, you remember! Yes,” natutuwang tugon ni Lay.

“Ang galing naman ng memorya ni Joey!” komento ni Allan K kay Joey.

Ayon kay Lay, dalaga pa siya noong panahon na nagbanda siya at nag-guest sa naturang sit-com.

“So nagmana sa inyo ang anak ninyo?” tanong  ni Wally kay Lay.

“I guess so,” tugon niya.

Nang tanungin kung sino ang mas maganda sa kanila ng kaniyang anak, “Ay siyempre mas maganda si Rhian!” ang tugon ni Lay.

“Noong bata… Naku crush ko ‘yan,” pag-amin ni Joey.

“Mas maganda po kayo kasi kayo ang original,” biro naman ni Wally.

“Oh thank you, thank you! Hi Rhian, did you hear that?” biro ni Lay sa kaniyang anak.

Para kay Lay, marami nang trend na nagbago pagdating sa pagbabanda, ngunit hindi nagbago ang showbiz.

“Showbiz has been the same since before. Pero ‘yung talagang uso lang, ‘yung trends… Siguro ngayon, it’s much, much more accessible now kung ano ang gagawin mo,” sabi ng ina ni Rhian. -- FRJ, GMA Integrated News