In character ang Kapuso actor na si Richard Yap sa taping ng "Abot Kamay Na Pangarap" nang sorpresahin siya para sa kaniyang ika-56 na kaarawan.

Sa video na ipinost sa Instragram ng Sparkle GMA Artist Center, pinangunahan ng kaniyang asawa na si Melody at mga anak na sina Ashley at Dylan, ang ginawang sorpresa sa aktor.

Kasama rin siyempre ang cast at crew ng Kapuso hit afternoon series, kung saan gumaganap si Richard bilang si Dr. Roberto "RJ" Tanyag, naka-recover na mula sa pagkaka-comatose kaya may benta pa siya sa ulo at naka-wheelchair.

Sa video, madidinig na nagbibigay ng instruction para sa simula ng taping kaya in character na si Richard habang nakaupo sa wheelchair sa loob ng isang kuwarto.

At nang isigaw na ang "magic word" na action!, hindi ang kaeksena sa serye ang pumasok sa kuwarto kung hindi ang kaniyang misis at mga anak na may bitbit na cake at inawitan na si Richard ng birthday song.

"Richard Yap thought it was another working birthday for him but this one was extra-special because his family paid him a surprise visit on the set of the GMA Afternoon Prime series #AbotKamayNaPangarap! Happy Birthday again, Richard!," saad sa caption.

 

 

Makikita naman sa reaksiyon ni Richard na successful ang ginawa nilang pagsorpresa sa aktor.

Mapapanood ang "Abot Kamay na Pangarap," pagkatapos ng "Eat Bulaga" sa GMA 7.--FRJ, GMA Integrated News