Iimbestigahan sa Senado ang naglipana umanong fake celebrity endorsements ng mga hindi rehistradong pagkain at gamot sa social media.

Sa inihaing Senate Resolution No. 666 ng dating aktor na si Senador Jinggoy Ejercito Estrada, tinawag niyang “alarming” ang pagkalat ng mga pekeng anunsyo na ginagamit ang mga larawan at pangalan ng mga celebrity nang walang paalam.

Pinapalabas umano na iniendorso ng mga celeb ang mga hindi rehistradong mga produkto na umano'y nakagagaling at may magandang benepisyo sa katawan at kalusugan ng tao.

“These advertisements mislead consumers into believing that these celebrities are using and endorsing food and medicinal products that are actually unregistered before the proper health authorities and not yet approved for mass distribution and public consumption,” ayon sa senador.

Giit ni Jinggoy, isa itong online scam at malinaw na paglabag sa Consumer Act.

“There is an urgent need to protect consumers against the consumption of unregistered and potentially harmful food and health products through the strict enforcement of the provisions of the Consumer Act and regulation of fraudulent advertisements on social media platforms," dagdag pa ni Estrada.

Sinabi rin ng senador na panahon na para repasuhin ang kasalukuyang batas at regulasyon dahil na rin sa mga modernong teknolohiya na kaya nang manipulahin ang mga larawan at video, at palabasin na inirerekomenda ng isang tao ang isang produkto nang hindi niya nalalaman.

Noong nakaraang Abril, nagreklamo ang aktres na si Kris Aquino sa paggamit ng kaniyang pangalan at larawan tungkol sa isang uri ng umano'y "miracle food."— FRJ, GMA Integrated News