Hindi itinanggi ni Kelvin Miranda na may naramdaman siya para sa kaniyang leading lady na si Mikee Quintos habang ginagawa nila ang Kapuso series na "The Lost Recipe."
Sa vlog ni Bea Alonzo, isinalang niya si Kelvin sa Lie Detector Challenge, at tinanong kung na-in love ba siya sa kaniyang mga naging leading lady.
"Yes," naman ang isinagot ng aktor.
Gayunman, hindi raw sigurado si Kelvin na kung siya ba talaga ang nakaramdam ng pagkagusto sa kaniyang leading lady o dahil lang sa karakter na kaniyang ginagampanan.
"'Pag nag-invest ka kasi into a character, 'pag nag-build ka, magke-create ka talaga ng panibagong universe or panibagong reality na maniniwala 'yung tao eh," paliwanag niya.
"So kailangan mo siyang palamanan talaga ng pagmamahal talaga," patuloy niya.
Ayon pa kay Kelvin, mini-memorize niya ang mukha ng kaniyang co-star, pati na ang kaniyang boses, at iniisip kung ano ang nagpapasaya sa kaniya.
Nang tanungin ni Bea kung sino ang leading lady na tinutukoy ni Kelvin, sinabi ng aktor ang pangalan ni Mikee.
"Parang nagkaroon ako ng confusion that time na sinabi ko rin naman sa kaniya," ayon sa binata.
Pero paglilinaw ni Kelvin, mas gusto niya na magkaroon ng relasyon sa labas ng trabaho para mas malinaw ang kanilang boundaries.
Sa kasalukuyan, in a relationship si Mikee kay Paul Salas, na kasama rin nila ni Kelvin sa "The Lost Recipe."—FRJ, GMA Integrated News
