Kaabang-abang ang ikalimang anniversary special ng “Amazing Earth,” na lilibutin ang buong Pilipinas para patuloy na itampok ang mga nakamamanghang kuwento tungkol sa mga hayop at kalikasan.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ng host nitong si Dingdong Dantes na iikutin ng programa mula Luzon hanggang Mindanao para sa kanilang three-part anniversary special.
“Sa Masbate ifi-feature namin ang Cave of Skulls doon, tapos ‘yung jellyfish swimming sa Surigao. Ifi-feature namin ang Snake Island sa Bicol, si Marco Puzon na inikot niya ang buong Pilipinas,” sabi ni Dingdong.
“Nandiyan din si Sofia (Pablo) tsaka si Allen (Ansay) na nag-clean up ng Pasig River,” sabi pa ng Kapuso Primetime King.
Pagkatapos ng anniversary special, itatampok ang pagbisita ng Kapuso environmental and informative program sa National Museum of Natural History.
Mapapanood na ang Amazing Earth tuwing Biyernes simula Hulyo 14. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
