Ikinuwento ni Itchyworms vocalist Jugs Jugueta na hanggang 13 episodes lamang dapat ang kanilang noontime show na “It’s Showtime.” Ngunit malaki ang kaniyang pasasalamat na 14 taon na ngayon ang programa at nananatili pa rin siyang bahagi nito.
"Showtime was supposed to be 13 episodes lang, one season lang, para lang siyang pang before this show and after this show, para lang pang tawid na show, that's their lingo eh. Thirteen episodes lang, taped, one hour show, and then lalabas siya Saturday night, so once a week, so 13 episodes lang, 13 weeks,” pagbabahagi ni Jugs sa “Surprise Guest with Pia Arcangel” podcast.
“So sabi namin ni Teddy (Corpuz), magkakilala na kami ni Teddy because of the band pero hindi pa kami close nu’ng panahon na ‘yun, sabi namin 'Ahh, madaling mag-commit sa 13 episodes, tapos iti-tape lang natin, tapos after nu’n wala na, okay na balik na tayo sa normal lives natin ‘di ba,” dagdag pa niya.
Inilarawan ni Jugs na “weird” o kakaiba ang pagkakapili sa hosts ng "It’s Showtime."
“Ang weird talaga nu’ng Showtime, ang chopseuy talaga. Kanina ininterview kami for QTV kanina tapos parang sinasabi namin, ang weird talaga ng combination. May dancer, may actress, may weather man, may dalawang nagbabanda tsaka may isang stand up comedian. ‘Di ba ang labo, walang combination talaga, but I guess it worked,” masaya niyang kuwento.
Pero kahit na iba-iba ang pinanggalingan ng hosts, nakita ni Jugs na maganda ang kinalabasan ng programa kaya ito tinanggap ng mga tao.
“Tapos nu’ng when we were doing the mock show, parang kita mo maganda talaga ‘yung dynamics, maganda ‘yung energy. You could see that it was nice, especially nu’ng andoon na si Anne Curtis, so masaya,” sabi ni Jugs.
Matatandaang pumirma ng kontrata sa GMA Network ang mga namamahala sa "It’s Showtime” para maipalabas ang naturang noontime show sa GTV.
Pasabog at trending worldwide ang handog ng “It’s Showtime” para sa Madlang People sa debut nito noong Hulyo 1, na pinangunahan nina Vice Ganda, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Anne, Kim Chiu, Ryan Bang, Amy Perez at Jugs at Teddy.
“And then now were here. Lagi kong sinasabi, I am so thankful after 13 episodes its all gravy to me, so now that I am here 14 years after, it’s just a blessing,” sabi ni Jugs. --FRJ, GMA Integrated News
