Kinoronahan si Vanessa Pulgarin ng Colombia bilang kauna-unahang Miss Grand International All Stars sa ginanap na coronation night sa Thailand nitong Sabado ng gabi. Umabot naman sa Top 5 finalists si Gazini Ganados, isa sa limang pambato ng Pilipinas.
Iginawad ang titulo kay Vanessa matapos ang ilang yugto ng kompetisyon na nilahukan ng 56 na kandidata.
Samantala, si Faith Maria Porter ng Ghana ang itinanghal na first runner-up, habang si Nguyen Huong Giang ng Vietnam naman ang naging second runner-up.
Limang kandidata ang kumatawan sa Pilipinas sa Miss Grand International All Stars: sina Gazini Ganados, Fuschia Anne Ravena, Alexia Nuñez, Imelda Schweighart, at Keylyn Trajano.
Nagtapos si Fuschia sa Top 18, habang maagang natapos ang kampanya nina Alexia, Imelda, at Keylyn sa kompetisyon.
Samantala, umabot si Gazini sa Top 5, na umani ng papuri matapos niyang ipakita ang kaniyang kaakit-akit na pasarela at magsuot ng isang gintong gown na likha ng Filipino designer na si Rian Fernandez.
Sa bahagi ng Top 5 question-and-answer, tinanong ng huradong si Abena Akuaba si Gazini: “Cyberbullying has become one of the biggest threats facing young people today. Beyond simply telling people to be kind, what practical steps should society take to reduce cyberbullying?”
Tugon ni Gazini, “I was once a victim of cyberbullying. It is not easy to go through something that you didn’t ask for. As a Filipina-Palestinian, I have raised my voice and I have conquered through my fears because I faced the struggles that I've been facing."
"My family is still stuck in Gaza and now that I'm fighting for their lives, I just want to do my best and be their representation and raise their flags just like who I am today as a Filipina-Palestinian,” patuloy niya.
Noong 2019, lumahok si Gazini sa Miss Universe at nagtapos sa Top 20. Inilarawan niya ang kaniyang pagsali sa MGI All Stars bilang kanyang "redemption" at "calling."—Carby Rose Basina/FRJ GMA News

