Ibinahagi ng OPM hitmaker na si Rey Valera ang kaniyang kabataan kung saan tumatambay siya sa sementeryo para hindi mautusan sa bahay. Sa sementeryo rin niya naisulat ang ilan sa mga kaniyang hit song.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkules, sinabi ng 69-anyos na si Rey Valera na dati siyang nakatira sa kaniyang kamag-anak sa Meycauayan, Bulacan.

"Nakikitira lang ako sa kamag-anak, sa Bulacan po 'yan, sa Meycauayan," pagbahagi ni Rey kay Tito Boy.

"Siyempre kapag nakikitira ka lang sa kamag-anak mo, papel mo boy, inuutos-utusan," patuloy niya.

Para makaiwas sa utos, sinabi ni Rey na naglalagi siya sementeryo at doon sumusulat siya ng kanta.

"Para 'di ako mautusan, pumupunta ako sa sementeryo para gumawa ng kanta, doon kasi tahimik," saad niya.

Kabilang sa mga kantang ginawa niya sa sementeryo ang classic songs na ngayon na "Maging Sino Ka Man" at "Naaalala Ka."

Sa naturang panayam, inamin din ni Rey na pinagsisihan niya ang pagsulat niya ng kantang "Kung Tayo'y Magkakalayo," dahil sa tema nito ng paghihiwalay.

Ibinahagi rin ng veteran singer-songwriter na kumukuha siya ng inspirasyon mula sa mga tao para makabuo ng awitin.

Nakatakdang magtanghal si Rey sa Newport Performing Arts Theater sa Biyernes, kasama si K Brosas. --FRJ, GMA Integrated News