The Unkabogable Star meets the Comedy Genius, nang magsama ang dalawa sa mga pinakasikat na komedyante sa showbiz industry na sina Michael V. at Vice Ganda sa noontime show na “It’s Showtime” nitong Sabado.
Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Vice ang pagkikita nila ni Michael sa "It's Showtime" stage.
“ICON,” simple ngunit may kahulugang caption ng Unkabogable Star tungkol kay Michael.
Sa episode nitong Sabado, naging guests sina Bitoy at Manilyn para sa ika-56 na kaarawan ng kanilang kaibigan na si Ogie Alcasid, at bumirit ng ilan sa mga kanta ng singer-songwriter.
“Ang nangyari before, sila magka-loveteam, tapos kami naging magka-loveteam, next time kami na ni Ogie," biro ni Michael.
“Why not? Why not?” sabi naman ni Vice.
Nauna nang inihayag ni Michael na gusto niyang mag-guest si Vice sa “Bubble Gang.”
Sa GMA Gala 2023 naman, tinawag ni Vice si Michael bilang kaniyang “idol.” — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
