Nakilala noong sa tambalan nilang “MaeTong,” sinagot ni Maey Bautista ang tanong kung nagkaroon sila ng relasyon ng kapwa komedyante na si Betong Sumaya.

“Diretsahang tanong, oo o hindi. Naging kayo nga ba ni Betong?” tanong ni Tito Boy Abunda kay Maey sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“Diretso na po talaga ito? Hindi po,” tugon ni Maey.

“In another life, would you marry him?” follow-up na tanong ni Tito Boy.

Bahagya namang napatigil na tila natawa si Maey.

“Yahs, why not? Sobrang ang galing-galing niya sa lahat ng aspeto. Sa comedy, sa pagho-host. Isa siya sa mga nagturo sa akin kung paano maging effective na host,” anang Kapuso comedienne.

Ngunit nang hingan ng sample, “Wala naman yata siyang naituro. Kalimutan na ho natin wala siyang naituro,” pabirong sagot ni Maey, na ikinahalakhak ng studio.

Sa segment na "Fast Talk," tinanong si Maey kung ano ang sexiest part ng katawan ni Betong.

"None of the above," natatawang sagot ni Maey.

Nagsimula sa pagiging segment hosts, naging patok pa ang tandem nina Maey at Betong nang sumali sila sa “Survivor Philippines” noong 2012.-- FRJ, GMA Integrated News