Inihayag ni Ricky Davao na kinailangan nila ng kaniyang dating asawa na si Jackie Lou Blanco na tanggapin at mag-move on mula sa kanilang hiwalayan higit dalawang dekada na ang nakararaan. Inamin naman ng aktor na in love siya ngayon.

“It happened 23 years ago. And we just have to move on,” sabi ni Ricky sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

Ayon kay Ricky, hindi rin nila kagustuhan ang nangyaring hiwalayan nila ni Jackie Lou.

“Ako nga, minsan nag-comment ako na ‘Itong nangyaring ito, wala sa plano ‘to.’ Akalain mo may nag-comment pa, ‘Bakit? Plano ba namin ‘yan?’” kuwento niya.

“This is a free country, you can say whatever you want,” tugon naman ni Ricky sa ilang komento tungkol sa hiwalayan nila ni Jackie Lou.

“You have to accept, move on, continue living, be positive,” pagpapatuloy ng actor-director.

Pag-amin ni Ricky, mahirap ang pagdaanan ang isang breakup.

“Actually, hindi ako nakaka-goodbye, ang hirap. Kahit nung bata pa ako, mahirap. ‘Yung breakups kasi, may ano ‘yan eh, may galit, and then may denial, tapos dahan-dahan, may tatanggapin mo na ba o hindi. Mami-miss mo, atras-abante, ang hirap eh,” saad niya.

Ayon pa sa kaniya, nagbabago ang mga breakup sa paglipas ng panahon at pag-mature ng tao.

Sa segment na "Fast Talk," inamin ni Ricky na in love siya ngayon, at naniniwala rin siya sa second chance.

"Yes!," naman ang sagot niya nang tanungin kung "may asim pa ba?"

Nauna nang inihayag ni Jackie na nais niyang hindi na sana sila naghiwalay ni Ricky.

"Siguro kung meron akong babaguhin, sana hindi kami naghiwalay ni Ricky (Davao), kung mababago ko siya. Only because I can see how affected my children were, although they are very understanding," anang aktres.

"Pero you know that they have been affected in many ways. So sana, hindi na lang para hindi sila naapektuhan in those ways," pagpapatuloy ng aktres.

Sa kabila ng hiwalayan nila ng aktor at direktor, sinabi ni Jackie na co-parenting pa rin sila ni Ricky.-- FRJ, GMA Integrated News