Inihayag ni Carla Abellana na naka-move on na siya sa kanilang relasyon ng dating asawa na si Tom Rodriguez.
“Definitely po. Nahanap ko na po ‘yung aking peace. Talagang nasara ko na ‘yung chapter na ‘yun ng aking buhay. Lagpas-lagpas pa po ako sa pagmu-move on,” sabi ni Carla sa isang media conference, na mapapanood sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
“Masayang masaya po, definitely masaya kung nasaan ako ngayon sa buhay ko. I’m happy where I am,” dagdag ng Kapuso actress.
Sinabi ito ni Carla sa pagpirma niya ng kontrata sa bago niyang talent management na All Access to Artists o AAA.
Ayon kay Carla, masaya at mapayapa na siya ngayon, ngunit inamin niyang hindi pa rin siya kumportable na makatrabaho ang dating mister.
Kahit hindi naging maayos ang kanilang paghihiwalay bilang mag-asawa, nauna nang sinabi ni Carla na napatawad na niya at wala na siyang galit kay Tom.
Oktubre 23, 2021 nang ikasal sa isang simbahan sa Batangas sina Tom at Carla.
Ngunit pagkatapos ng halos tatlong buwan, umugong ang usap-usapan tungkol sa problema sa kanilang relasyon bilang mag-asawa.
Inihayag ni Tom noong nakaraang taon na naaprubahan na ang diborsiyo niya kay Carla.
Looking forward si Carla sa mga bago niyang proyekto, at isa sa mga gusto niyang makatrabaho ay si Marian Rivera.
Isa sa kaniyang mga proyekto ang “Stolen Life,” na reunion project nila ni Gabby Concepcion, at kasama nila si Beauty Gonzalez. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News