Inihayag ni Neri Naig na ang pagiging in love niya sa kaniyang asawang si Chito Miranda ang rason ng kaniyang pagiging "wais."

“Complete the sentence. Wais ako dahil ___,” tanong ni Tito Boy Abunda kina Neri at Chito sa Fast Talk segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.

“Wais ako dahil na-in love ako sa isang Chito Miranda,” sagot ni Neri. “Best decision talaga Tito Boy. Iba.”

BASAHIN: Chito Miranda, idinepensa si Neri Naig sa kontrobersiyal na P1k meal plan

“Wais ako dahil napasagot kita eh,” tugon naman ni Chito na bisita rin sa programa.

Inilahad ni Chito ang kaniyang tips sa paghawak ng pera.

"This is what I always say, even if you have money… when I started earning, puwede kong ma-afford ‘yung magagandang cars and malaking bahay. I still chose the smallest house, ‘yung pinakasimple lang. We never live lavishly,” sabi ng Parokya ni Edgar frontman.

“If I have P105,000, I’ll just spend my P5,000,” pagpapatuloy ni Chito.

Proud na sinabi ni Neri na natuto siya sa kaniyang asawa tungkol sa paghawak ng pera.

“Doon ako natuto sa kaniya, Noong nakilala ko si Chito, nakita ko kung gaano siya kawais sa pera. Siya talaga ‘yung nagturo sa akin on how to save money. Lahat, including insurance,” sabi ni Neri.

“‘Yun lang talaga, good student, talagang pinag-aralan ko ‘yan,” pagpapatuloy ni Neri, na hinangaan din ang hindi pagiging maluho ni Chito.

Ipagdiriwang nina Neri at Chito ang kanilang ika-siyam na taong pagsasama bilang mag-asawa.

Mensahe ni Neri kay Chito: “Gusto kong mag-thank you kay Chito. Actually lagi akong nagpapasalamat kay Chito kasi si Chito talaga ‘yung lakas ko Tito Boy. Lagi kong sinasabi sa kaniya ‘Baby be healthy kasi, huwag naman, kung mawawala ka, totally hindi ko alam ang mangyayari sa akin."

Patuloy niya, "Kasi alam naman ng mga tao na talagang grabe ako ipagtanggol ng asawa ko, grabe ‘yung suporta niya sa akin. Walang taong gumawa at gagawa no’n kundi ‘yung asawa ko. So, I love you.”

Mensahe naman ni Chito sa kaniyang misis, “Life-changing rin talaga because before, rock and roll talaga ako, gusto ko lang mag-live ng life kung paano ko gusto and when I want to die I’ll just die. Pero with her and my family, nagkaroon ako ng bigger reason than myself.” -- FRJ, GMA Integrated News