Matapos na magkahiwalay ng 30 taon at muling magkabalikan, nagpakasal na sina Jomari Yllana at Abby Viduya.
Sa Facebook post, ibinahagi ni Abby ang mga larawan sa kanilang kasal sa Las Vegas, Nevada noong November 5.
“Viduya-Yllana Nuptial 11/5/23,” saad ni Abby sa caption.
BASAHIN: Jomari at Abby, ikinuwento kung paano sila nagkabalikan after 30 years
Suot niya ang silky off-shoulder gown na gawa ng Filipino designer na si Prei Mira, naka-black and white suit naman si Jomari.
Kabilang sa mga dumalo sa kasal ang anak ni Jomari na si Andrei, na kumuha rin ng mga larawan sa ginanap na kasalan.
Nitong nakaraang Agosto, ibinahagi nina Jomari at Abby ang kanilang planong magpakasal ng dalawang beses: isang civil wedding ceremony, at isang church wedding sa susunod na taon.
Plano ni Jomari na gawin sa Naga ang kanilang church wedding kung saan ikinasal ang kaniyang mga magulang.
Una nang ibinahagi nina Jomari at Abby ang pagiging magkasintahan nila noong kabataan nila nang gawin ang pelikulang “Guwapings: The First Adventure,” noong 1990's.
Muli silang nagkaroon ng komunikasyon noong 2015 matapos na magkalayo ng 30 taon nang manirahan si Abby sa ibang bansa. Noong 2019, muli silang naging magkasintahan.—FRJ, GMA Integrated News

