Inihayag ng Queendom Divas na sina Hannah Precillas,  Thea Astley at Mariane Osabel sa "Fast Talk with Boy Abunda" kung sino ang mga Kapuso actor na crush nila.

Sa Fast Talk segment ng naturang show nitong Biyernes, pakanta na sumagot ang Queendom Divas para ibisto ang kanilang celebrity crush.

Si Hannah, kinanta ang pangalan ng Kapuso heartthrob na si Kristoffer Martin. Habang binanggit naman ni Thea ang pangalan ni Dennis Trillo, at si Ken Chan naman si  Mariane.

“Alam niya na po,” natatawang paliwanag ni Hannah tungkol kay Kristoffer.

“Before that, meron pa po kaming ni-record na theme song tapos doon po, nalaman na niya kasi hindi ko po itinago sa kaniya,” sabi ni Hannah.

Ang tinutukoy ni Hannah ay ang “Nang Dahil Sa'yo” na OST ng Kapuso afternoon series na “Hahamakin Ang Lahat.”

 “Ang una ko po kasi talagang napanood, sa serye siya, so ang sabi ko ‘Ang cute, cute naman nito.’ Tapos siyempre pinangarap ko ‘Sana kapag naging artista ako makatrabaho ko siya.’ Tapos noong nakasama ko na siya sa isang recording booth, hindi na ako makagalaw,” tila kinikilig na kuwento ni Hannah.

Ipinaliwanag naman ni Mariane kung bakit niya crush si Ken Chan.

“Grabe talaga ‘yung paghanga ko sa kaniya. Alam mo ‘yung successful na nga ‘yung tao tapos sobrang humble talaga. Sobrang bait talaga ni Kuya Ken Chan. Hinahangaan ko talaga siya, siya ‘yung nilu-look up ko,” ani Mariane.

Si Thea naman, natutuwa sa mga Tiktok videos ni Dennis.

“‘Yung Tiktok niya, tawang tawa talaga ako. When you look at him, wow, serious guy, and then makikita mo ‘yung content na nilalabas niya on the internet, may sense of humor,” sabi ni Thea.

Sina Hannah, Mariane at Thea, ay bahagi ng Queendom kasama rin sina Rita Daniela, Jessica Villarubin, at Julie Anne San Jose.

Gaganapin ang concert nila na "Queendom: Live" ng 8 p.m. sa Sabado, Disyembre 2 sa Newport Performing Arts Theater.

Mabibili ang mga ticket exclusively sa GMA Synergy website at sa Ticketworld. -- FRJ, GMA Integrated News