Hindi mapigilang maging emosyonal ni Pops Fernandez nang ikuwento ang kaniyang saya bilang first time lola kay Baby Phineas o Baby Phin, na anak ni Robin Nievera.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, sinabi ni Pops na hindi pa niya nakikita nang personal ang kaniyang apo.
"'Yung picture, actually nakita ko na, hindi agad ako nag-post kasi hinihintay ko muna siyempre 'yung parents mag-post," saad ng Concert Queen tungkol sa bagong silang niyang apo.
"It dawned on me, umiiyak ako at 2 a.m., 3 a.m. kasi number one, sabi ko 'I can't believe I have reached that moment na lola na ako," naiiyak na pagpapatuloy ni Pops.
Nakaramdam din si Pops ng pagkasabik sa kaniyang mga anak at apo, na nasa Amerika.
Hindi na raw makapaghintay si Pops na mahawakan si Baby Phin at muling maka-bonding ang kaniyang mga anak kay Martin Nievera.
"It's not that I don't want it, it's like having another child. I felt I missed out because I'm so far away. But I can't wait to be with, to actually smell him, carry him, touch him and be with my boys and of course, Robin and Ram," sabi ni Pops.
Inamin ni Pops na may mga pagkakataong hindi siya nakakapag-bonding sa mga anak noon dahil kailangan niyang magtrabaho.
"I've never enjoyed my boys more than I enjoy them now. Kasi back then, parati kong sinasabi sobra kaming busy, I have to work. Hindi sa nakalimutan ko sila, but I'm so thankful na naiintindihan parati 'yun ng mga anak ko na I have to work," paglalahad niya.
Kung kaya naman bumabawi si Pops ng oras sa kaniyang mga anak.
"Ngayon bumabawi ako nang sobra-sobra, and I'm so grateful kasi nga may chance pa ako na makabawi sa kanila," saad pa niya.
Sa Instagram, nag-post din si Pops ng larawan ni Baby Phin na isinilang noong Disyembre.
Taong 2000 nang maaprubahan ang annulment ng kasal nina Pops at Martin. May dalawa silang anak na sina Robin at Ram.
Sa Pebrero 9 at 10, may concert si Pops na pinamagatang "Always Loved" sa The Theatre sa Solaire.-- FRJ, GMA Integrated News
