Inilahad nina John Vic De Guzman at Jeff Moses na pareho silang nakatanggap ng mga indecent proposal. Paano kaya nila hinarap ang naturang alok na may kasamang pangako na kotse, pera at iba pa?

“Nakatanggap na ba kayo ng indecent proposals?” tanong ni Tito Boy Abunda kina John Vic at Jeff sa “Fast Talk with Boy Abunda” episode nitong Martes.

“Yes po, madaming beses,” sagot ni John Vic. “Well, ako kasi, Tito Boy ‘pag may indecent proposal, usually hindi ko talaga pinapansin.”

Ayon sa team captain ng Philippine men's national volleyball team, nanggagaling ang ilang indecent proposal sa social media.

ADVERTISEMENT

“May isang nangyari. Nag-chat sa akin sa Facebook. Ang sabi niya sa akin, ‘John Vic, kung may free time ka ngayong December, bago ako bumalik ng January, magkita sana tayo. May sasakyan naman ako, susunduin kita, bilhan kita ng iPhone, bigyan kita ng money, punta tayo sa ibang lugar, ipag-shopping kita, kahit anong gusto mo,” kuwento niya.

Hindi sigurado si John Vic kung babae ba o beki ang nagpadala sa kaniya ng mensahe, dahil iba ang profile picture nito at totoong pangalan.

“So, ang ginawa ko, ini-screenshot ko, sinend ko sa group namin ng ‘The Boobay and Tekla Show.’ Ang sabi nila sa akin, ‘Ganito gawin mo, makipagkita ka, sumakay ka ng sasakyan, then sabi mo, ‘Saglit lang, sasakay kaming lahat.’ Tapos sabay-sabay natin isigaw, ‘Na-TBATS ka!’”

Gayunman, hindi naman natuloy ang birong prank ni John Vic at ng mga kaibigan niya sa TBATS.

Ang “Abot-Kamay Na Pangarap” star na si Jeff Moses, nakatanggap din ng indecent proposal sa social media.

“Through social media. May nag-offer na ganoon, money, may nag-offer ng kotse. Tapos, ayun, hindi ko rin naman pinapansin,” sabi ni Jeff.

“Same kay John Vic. May pinapasabi din through friends. Hindi ko rin naman kilala. Wala naman din naman dini-disclose sa akin. Hindi ko rin naman po ini-entertain ‘yung mga ganoon,” dagdag ni Jeff. -- FRJ, GMA Integrated News