Nagkomento ang actress-beauty queen na si Herlene Budol tungkol sa viral video niya na hinihinala ng ilang netizens na wala siyang suot na saplot na pang-ibaba sa isa niyang live feed kamakailan.

“Big issue agad sa panty? Personally, I don't see anything wrong for the panty issue," sabi ni Herlene sa on Facebook post.

Saad pa ni Herlene, rumarampa nga siya sa entablado na naka-swimsuit.

“Halos abot hanggang langit nga hugis ng swimsuit ko, tapos ito panty lang,” sabi pa niya.

Sinabi pa ni Herlene na, “Well, its part of human error & always remember mistake is part of human being.”

ADVERTISEMENT

Nag-ugat ang kontrobersiya sa live feed ni Herlene kamakailan habang naghahapunan.

Sa video, tumayo si Herlene at tila nakalimutan niya na naka-underwear lang siya.

“Tingnan mo, nakita ba?” nag-aalalang tanong ni Herlene sa kasama niya sa video.

Pero ilang netizens ang naghinala na walang saplot pang-ibaba si Herlene.

Nitong nakaraang taon, nasangkot din sa kontrobersiya si Herlene tungkol sa palitan nila ng messages ng kaniyang co-star sa “Magandang Dilag” na si Rob Gomez.

“‘Yung batuhan ng mga script para pang kabisado sa mga linyahan ay nahaluan ng mga joke at one liner tulad ng salitang 'kain' ganyan na agad ang tingin nyo sa akin,” paliwanag noon ng aktres.

May hiwalay din na palitan ng mensahe si Rob sa isa pa niyang co-star na si Bianca Manalo, na sinasabing inedit ang laman bago ipinost.

Sinabi noon ni Rob na may nakialam sa kaniyang cellphone at nag-post ng mga mensahe nang hindi niya alam.

Ngayong taon lang, inamin ni Herlene na naaapektuhan din siya ng mga negatibong komento tungkol sa kaniya.

“Bugbog na bugbog na nga ho ako, tortured na tortured na po ako talaga sa mga basher pero hindi mo naman, paulit-ulit ko pong sinasabi na hindi mo naman talaga mapi-please lahat at tsaka hindi lahat maiintindihan ka. Kaya piliin mo nalang ‘yung mga taong nandiyan para sa’yo palagi,” saad niya. — FRJ, GMA Integrated News