Inamin ni Darren Espanto na mayroong namagitan sa kanila ni Kyline Alcantara noon na itinuturing niyang "puppy love."

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, ikinuwento ng singer-actor kung bakit sila binibiro ni Kyline ng kaniyang mga co-host sa "It's Showtime.

"Kasi nga naging kami dati kaya binibiro kami ni Ate Vice," saad ni Darren, patungkol sa April 10 episode ng noontime show na guest si Kyline.

Sa naturang episode, tinukso ni Kim Chiu ang dalawa at sinabing, "Ang galing pala ni Kyline talaga."

Sagot naman ni Kyline, "Alam n'yo po kung bakit? Kasi nga...." na sinabayan niya ng tingin kay Darren.

Bagaman hindi naging malinaw ang nais ipakahulugan ni Kyline, humirit naman si Jhong Hilario ng tawag sa dalawa na "DarLine."

Ayon kay Darren, nagtapos ang nasa isang taong relasyon nila ni Kyline dahil sa "misunderstanding."

"There was some misunderstanding. Kasi siyempre 'pag mga bata parang konting mga petty na away," saad niya. "Then when we both matured, six years later napag-usapan na namin. Ayun po, eventually we became OK with each other again and naging friends na ulit."

Naugnay din ang Kapamilya singer-actor kay Cassy Legaspi, pero nilinaw ng dalawa kamakailan na mag-best friend lang sila.

Sinabi rin ni Darren na single siya ngayon.

Samantala, naugnay naman si Kyline noon sa kakambal ni Cassy na si Mavy, na nagpahayag na walang problema sa kaniya na ma-link kay Darren ang kaniyang dating ka-love team.—FRJ, GMA Integrated News