Bukod sa Kapuso action series na "Black Rider," mapapanood na rin si Herlene Budol bilang bagong host ng variety-game show na "TiktoClock."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras'' nitong Huwebes, sinabi ni Herlene na first love talaga niya ang hosting.

“Akala ko nung una trial lang po eh. Pero ngayon, tuloy-tuloy na raw po ‘to. First love ko po ‘to. Hindi ko rin po kasi talaga in-expect dati na magiging host ako. Ngayon, parang nagpa-flashback po sa akin ‘yung mga bagay-bagay noon,” sabi ni Herlene.

Dagdag kasiyahan pa kay Herlene na makakasama niya sa naturang programa ang kaniyang mga idolo.

“Andyan si Mama Donita, hanggang ngayon ginagabayan pa rin niya ako. Siyempre idol ko po si Mama Pokwang as a comedian,” ani Herlene.

“Tapos sila Kuya Kim, araw-araw po parang may Google akong dala-dala. Walking Google ko po ‘yang si Kuya Kim kapag may hindi po ako alam," dagdag pa niya.

Napapanood ang “TiktoClock” mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 11 a.m., bago ang "It's Showtime."

Napapanood din si Herlene sa “Black Rider” na pinagbibidahan ni Ruru Madrid, gabi-gabi sa GMA Telebabad sa ganap na 8 p.m. — FRJ, GMA Integrated News