Inilahad ni Melissa Gohing ang mga katangiang nagustuhan niya sa asawang si Rocco Nacino, na hindi raw niya makikita sa ibang lalaki.

Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkoles, sinabi ni Melissa na isa sa kaniyang mga nagustuhan sa relasyon nila ni Rocco ang pagiging “competitive” nila sa isa't isa.

“He’s like the guy version of me,” sabi ni Melissa. “I remember when we were walking during our Tokyo trip, sabi ko, ‘Hmm, he’s the one.’ Siya talaga eh.’”

“I will not find another man like him, na sobrang same kami, same wavelength,” dagdag niya.

Ayon sa volleyball athlete, ang pag-travel ang isa sa pagsubok para malaman ng mga couple kung sila nga ba ang para sa isa’t isa.

Sabi pa ni Melissa, hindi sila nag-away ni Rocco noong magkasama sila sa isang trip na tumagal ng dalawang linggo.

Simula ng kanilang love story

Nagsimula ang love story nina Rocco at Melissa nang minsang manood si Rocco ng isa sa mga game ni Melissa.

Kuwento ni Rocco, pumunta lamang siya noon dahil may ginawa siyang campaign kasama si Hidilyn Diaz, at wala talaga siyang planong makilala si Melissa.

Si Melissa, walang naramdamang “spark” o kilig sa unang pagkikita nila ni Rocco, pero si Rocco ang nakaramdam nito.

“Being someone who is very active and also into sports, turn on sa akin ‘yung very athletic and I saw that leader in her tapos team captain pa siya,” anang Kapuso actor.

“Everything was turn on, plus points para sa akin. So talagang iba ‘yung paghanga ko sa kaniya. Nangibabaw ang paghanga sa respeto... Tapos nag-message na ako, ‘Hi!’” sabi pa ni Rocco.

Ikinasal sina Rocco at Melissa noong 2021.

Isinilang ni Melissa ang baby nila ni Rocco na si Baby Raffaello noong 2022. --FRJ, GMA Integrated News