Nasawi ang isa sa dalawang suspek sa panghoholdap matapos nilang makasagupa ang pulisya sa Bongabon, Nueva Ecija. Ang isa, naaresto.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing bago ang engkuwentro, nangholdap muna ang mga suspek sa bayan ng Gabaldon.
Namataan sa police checkpoint ang dalawang holdaper na nakasakay sa motorsiklo at sumibat nang mapansin nila ang mga awtoridad.
Habang hinahabol sila ng mga pulis, nagpaputok umano ng baril ang mga suspek at tinamaan sa hita ang isang pulis.
Dahil dito, gumanti na putok ang mga pulis, na ikinasawi ng isang suspek.
Nadakip naman ang kasama niya, na hindi nagbigay ng pahayag.
Narekober ang baril na ginamit ng mga suspek at ilang gamit na hinihinalang ninakaw nila.
Patuloy na tinutugis ang isa pa na posibleng kasabwat nila at tumangay umano sa perang naholdap nila. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
