Pumanaw na sa edad na 53 ang Hollywood actor na si Eric Dane, na gumanap bilang si Dr. Mark Sloan aka McSteamy sa "Grey's Anatomy" series nitong Huwebes, February 19, ayon sa ulat ng People magazine.
Inilathala ng People ang bahagi ng pahayag ng kaniyang pamilya na nagsasabing, “With heavy hearts we share that Eric Dane passed on Thursday afternoon following a courageous battle with ALS."
Ayon sa pahayag, napapaligiran ng kaniyang mga mahal sa buhay ang aktor nang mamayapa--kasama ang kaniyang asawang si Rebecca Gayheart at mga anak nila na sina Billie at Georgia, pati na rin ang mga malalapit na kaibigan.
Inanunsyo ni Dane ang kaniyang diagnosis ng ALS, na kilala rin bilang Lou Gehrig's disease, 10 buwan lamang ang nakalilipas, at agad siyang naging tagapagtaguyod ng kamalayan at pananaliksik tungkol dito.
Isinilang ang aktor sa San Francisco noong 1972, at hindi sinasadyang napasok sa mundo ng showbiz. Bago lumabas sa ikalawang season ng “Grey’s Anatomy,” napanood si Dane sa mga palabas sa telebisyon tulad ng “Saved by the Bell,” “The Wonder Years,” at “Roseanne,” at iba pa.
Noong 2006, ipinakilala ng “Grey’s Anatomy” ang karakter na si Mark Sloan bilang guest role, na kalaunan ay naging pangunahing karakter dahil sa positibong pagtanggap ng mga manonood.
Hindi nagtagal, naging isa si Dane sa mga pangunahing mukha ng palabas, at ginampanan ang karakter sa loob ng anim na taon bago tuluyang umalis noong 2012.
Gumanap din si Dane sa “Euphoria,” at lumabas sa mga pelikulang “Valentine’s Day” at “Marley and Me.” – FRJ GMA Integrated News

