Naniniwala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na may taong nasa “mataas na puwesto” ang nagbibigay ng proteksyon sa mga sangkot sa smuggling ng sigarilyo sa bansa.

Inihayag ito ni Remulla sa isang press briefing nitong Biyernes matapos ang ginawang pagsalakay ng Bureau of Customs (BOC), kasama ang iba pang awtoridad, sa isang bodega na gawaan ng sigarilyo sa Tanza, Cavite.

Tinatayang aabot sa P200 milyon ang halaga ng mga ilegal na produkto ng tabako, mga makinarya at raw materials ang nadiskubre sa lugar. 

Ayon kay Remulla, bagamat hindi pa natutukoy ang mga nasabing protektor, tiwala siya hindi na magtatagal ay malalantad din ang mga ito.

Ginawa ang pagsalakay na bahagi ng pinatitinding kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling at economic sabotage.

Natuklasan ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa isang concerned citizen tungkol sa matinding amoy ng tabako na nanggagaling sa isang bodega na ideklara lamang umano na imbakan ng de-lata.

Nang siyasatin, tumambad ang 11 pinaghihinalaang makina sa paggawa ng sigarilyo, dalawang generator set, isang forklift, at iba’t ibang finished cigarette products.

Nadiskubre rin ang mga peke at iregular na tax stamps na nagpapatibay sa hinala ng malawakang pag-iwas sa pagbabayad ng tamang buwis ng nasa likod ng pagawaan ng sigarilyo.

Ayon pa kay Remulla, umaabot sa P30 bilyon ang nawalang buwis sa gobyerno noong nakaraang taon dahil sa ilegal na operasyon ng sigarilyo.

Babala ng kalihim, hindi lamang mga manufacturer ang hahabulin ng pamahalaan dahil isusunod din nila ang mga distributor at retailer, at ang sinumang mahuhuling nagbebenta ng kontrabando ay maaaring kasuhan sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na isang non-bailable na kaso. – FRJ GMA Integrated News