Muling lumikha ng record ang "Hello, Love, Again" nina Kathryn Bernardo at Alden Richards matapos itong tumabo ng $1.4 milyon o katumbas ng higit P82 milyon sa loob lamang ng isang linggo.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing napanood rin ang "Hello, Love, Again" sa United Arab Emirates, Qatar, Kingdom of Saudi Arabia, at Oman.

Binali rin nito ang mga record bilang highest opening day, biggest single day gross, at highest opening weekend gross for a Filipino film sa UAE, KSA, at Qatar.

Ang “Hello, Love, Again” ang opisyal na kauna-unahang Pinoy film na magkaroon ng higit P1 bilyon sa gross sales sa box office.

Ito na rin ang highest-grossing Filipino film of all time.

Nasimulang mapanood ang "Hello, Love, Again" sa mga sinehan noong Nobyembre 13 at napanonood ngayon sa 1,100 cinemas nationwide. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News