Inamin ni Rufa Mae Quinto na may pinagdadaanan ang pagsasama nila ng kaniyang asawa na si Trevor Magallanes. Gayunman, umaasa siyang maaayos pa ang kanilang problema.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, tinanong ni Tito Boy si Rufa tungkol sa estado ng pagsasama nilang mag-asawa.

“Bilang asawa, siyempre, inaantay ko lang na magkaklaro kami, mag-usap pa rin, kung totoo ba talaga ang nararamdaman niya. Kasi lagi nga rin kasi akong wala eh. So baka naman puwedeng lambingan na muna, makiusap, ‘Pasensya na, I'm here,’” panimula ni Rufa.

Inamin ng aktres na marami siyang pinagkakaabalahan kaya may mga panahong wala siya sa piling ni Trevor. Kaya nauunawaan niya rin ang nararamdaman ng kaniyang mister.

“Kasi siyempre, pagod ako, lagi akong wala, in short. So, siyempre, there's always two sides of the story, pero naiintindihan ko rin na hindi naman, siyempre, puro ako lang ang tama. Siyempre siya rin naman, may reason din. Pero, we're going through something,” paliwanag niya.

Ngunit kung magiging desidido umano si Trevor na maghiwalay na sila, igagalang daw ito ni Rufa.

Sa ngayon, sinabi ng actress-comedienne na wala pang diborsyong inihahain mula sa magkabilang panig.

“Kasi kung ayaw na rin naman niya, bakit ko hindi i-respetuhin ‘yun? Pero ‘yung legalities, sa mga file-file, walang file ng divorce. Walang nag-file,” saad niya.

Sa panig ni Rufa, wala raw siyang planong maghain ng diborsyo.

“So, hindi ako mag-file. Kasi ang dami ko nang file sa kaso,” biro niya. “Ang dami nang nag-file, nag-file na rin ako. So, ang daming file.”

Inamin pa ni Rufa na naaapektuhan din ang kanilang anak na si Athena dahil sa pinagdadaanan nila ni Trevor.

“So, ayoko munang mag-file sa mga divorce-divorce kasi, dito rin naman kasi kami kinasal sa Pinas. So, hindi ko rin alam kung ano ang gagawin. Masyadong masakit pa eh. Tapos may anak din kami na nagsabi, ‘When our family will be together?’ daw. Sabi ko na lang… Wala eh, ang hirap sagutin, ‘di ba?”

Sa kabila ng mga pinagdaraanan, pinasalamatan ni Rufa si Trevor sa pagiging mabuti nitong ama at asawa.

Gayunman, sinabi ni Rufa na hindi sanay si Trevor sa kaniyang buhay bilang artista na pinag-uusapan ng publiko.

“Kaya lang minsan, hindi siya artista, naaapektuhan din, kaya ayaw niya muna ma-connect sa pangalan [ko], ‘yung pinag-uusapan, tahimik, very private kasi. Siyempre, nasasaktan siya ‘pag maraming nagsasabi, dahil sa pera,” paglalahad niya.

“Sabi nga niya, ‘Ang dami-dami kong ibinigay sa 'yo.’ Wala naman ako sinabi, sabi ko, kung may nagsasabi, ibang tao, pero kinaklaro ko, hindi kami nagkakagulo dahil sa mga kaperahang ‘yan,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Rufa na hindi niya ginagawang paksa ng katatawanan ang kaniyang asawa, at wala siyang masamang sinabi laban rito.

“Never. Nirerespeto ko siya. Hindi ko rin siya ginagawang laughing stock. Kasi baka Tagalog din, akala niya ‘yung mga jokes ko rin baka biglang nakaka-offend na sa kaniya. Hindi ko alam eh. Basta gusto ko siyempre mag-antay,” pahayag niya.

Sa huli, sinabi ni Rufa na mahal pa niya si Trevor, ngunit rerespetuhin niya ano man ang maging desisyon ng asawa.

“Mahal ko siya, siyempre. At gusto ko siyempre makumpleto ang pamilya namin. Ako kasi, kung ayaw na, rerespetuhin ko ‘yun kahit na masakit sa akin. Siyempre, ‘di ba? Bakit ko pipilitin ang isang tao kung ‘yan ang nararamdaman niya?”

Hindi pa raw alam ni Rufa ang magiging desisyon ni Trevor.

“Baka siguro ayaw na niya. Hindi ko alam eh. Pero mag-file dapat siya,” ani Rufa.

Noong Disyembre, inihayag ni Trevor sa social media na nasa proseso na umano sila ni Rufa ng diborsyo.

Ikinasal sina Rufa at Trevor noong 2016. Isinilang ni Rufa ang anak nila na si Athena noong 2017. -- FRJ, GMA Integrated News