Nagbabalik si Vina Morales sa Kapuso Network matapos ang mahigit dalawang dekada.

“Actually, hindi ako mapakali. Sobrang, alam mo ‘yung mixed emotions? I had butterflies in my stomach going down the car nu'ng nasa basement na. Sabi ko ninenerbyos ako, ano ba ‘yung feeling na ganito,” sabi ni Vina sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.

"Ninenerbyos ako in a way dahil excited ako," pagpapatuloy ni Vina.

Ang Sunday noontime musical show na SOP ang huling show na ginawa ni Vina sa Kapuso Network.

Mapanonood si Vina sa pinakabagong GMA series na "Cruz vs. Cruz."

Makakasama ni Vina sa series si Gladys Reyes, na matagal na niyang kaibigan at ka-member sa Thursday group ng That's Entertainment.

Gayunman, unang pagkakataon nilang magsasama sa isang series.

“Sobra akong na-excite, at the same time din naisip ko, ‘Teka lang. Nagserye na ba siya ever sa GMA?’ Parang hindi pa ‘no? So, very first teleserye niya ‘to sa GMA. I’m so happy na magkasama kami,” sabi ni Gladys.

Kasama rin sa series sina Neil Ryan Sese, Pancho Magno, Lexi Gonzales, Kristoffer Martin, Elijah Alejo, at Caprice Cayetano.

"Lahat maka-re-relate kasi its 'Cruz vs. Cruz,' so dalawang pamilya na nangyayari... it's based on a true to life story. I am Thelma Ruiz-Cruz, ako 'yung common-law wife," sabi ni Vina.

"Doon pa lang magkakaroon na ng conflict," pagsegundo naman ni Gladys. "Ako 'yung OFW nurse na, kumbaga iisang lalaki ang aming minahal."

Samantala, tinanong si Vina kung handa na siyang sumabak sa mga musical shows ng Kapuso Network.

"Anytime. Basta ako, ready na ready," tugon ni Vina. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News