Ikinuwento ng Unang Hirit Weather Presenter na si Anjo Pertierra ang tungkol sa isang tao na dati niyang nakatrabaho pero hindi niya nagustuhan ang ugali dahil "nangmamata" (nangmamaliit) umano ito.

"Ayun 'yung time na nagsisimula pa lang ako. Nangmamata siya to the point na nakita ko na may binubulungan siyang katabi niya na parang nakatingin siya sa amin," kuwento ni Anjo sa programang "Lutong Bahay" na host si Mikee Quintos nang tanungin kung may nakatrabaho na siya na hindi niya nagustuhan ang ugali.

Hindi naman isinapubliko ang pangalan ng taong binabanggit ni Anjo.

Pakiramdam ni Anjo, hinuhusgahan siya ng naturang tao gayung hindi naman siya nito kilala.

Nang tanungin si Anjo tungkol sa posibleng dahilan ng katrabaho, tugon niya, "hindi ko alam."

Sa kabila nito, inunawa na lang daw ni Anjo ang sitwasyon na posibleng may pinagdaraanan ang naturang tao.

"Baka lang masama 'yung araw niya," dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News