Matapos maghiwalay noong 2022, sinabi ni Arra San Agustin sa episode ng "Lutong Bahay" nitong Martes, na nagkabalikan na sila ng basketball player na si Juami Tiongson.

Sa segment na Kitchen-terrogate, tinanong ng host na si Mikee Quintos si Arra tungkol sa status ng love life nito.

"Diretsahang tanong, nagkabalikan na ba kayo?" tanong ni Mikee.

Dahil ayaw niyang kumain ng burong sibuyas, sinagot ni Arra ang tanong, "Sige na nga, oo na nga."

Sa naturang episode din, ipinaliwanag ni Arra ang mga ipinakitang larawan ng mga aktor na na-link sa kaniya na sina Ruru Madrid at Paolo Contis, kasama si Juami.

BASAHIN: Arra San Agustin, sinagot ang tanong kung may relasyon sila ni Paolo Contis

Noong nakaraang Disymbre, inihayag ni Arra sa "Fast Talk with Boy Abunda" na muli silang nag-uusap ni Juami.

Ayon sa aktres, wala pa siyang nakikitang lalaki na nakahigit o nakapantay sa "standard" ni Juami.

Nang tanungin si Arra kung bakit naging pamantayan niya si Juami, tugon ng aktres, “He’s very loyal, he’s so patient. Siya lang po ‘yung tao na nakakita na siguro ng totoong colors ko.”

Sa episode din ng "Fast Talk with Boy Abunda" noong March 2023 inamin ni Arra na naghiwalay na sila ni Juami noong October 2022.

Napapanood ngayon si Arra sa GMA Prime series na "My Ilonggo Girl," kasama si Jillian Ward. — FRJ, GMA Integrated News