Sinabi ni Karla Estrada na bunga ng pag-ibig ang pagkakaroon niya ng apat na anak na magkakaiba ang mga ama. Giit niya, taon ang mga pinagsamahan sa bawat naging karelasyon niya na nauwi sa hiwalayan.
“Gusto ko naman talagang maging isa lang. Pero bakit ko maipipilit ang isang sitwasyon na pakikisama na alam kong hindi na puwede, hindi na masaya," saad ni Karla sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles.
Paliwanag ni Karla, taon ang itinagal ng kaniyang mga relasyon sa mga ama ng kaniyang mga anak, at hindi ito naging madali para sa kaniya.
"Lahat ng [ama ng] mga anak ko, relasyon, taon ang pinagsamahan no’n. Hindi naman ito mga... na dumaan lang at hindi ko kilala ang mga ama. Ito ay relasyon sa bawat mga ama nila. Taon ang mga pinagsamahan. Apat, tatlo, limang taon ang mga pinagsamahan sa apat kong mga anak, sa apat na ama," paliwanag niya.
"So, hindi ko naman sasabihin na kapalaran pero kung nangyayari sa buhay mo, ibig sabihin nakaguhit ‘yun sa palad mo. Dahil hindi naman ako naniniwalang ‘Ay, okay na ako, ayoko na.’ Hindi. Talagang, trinabaho, sakripisyo, luha, na bakit... wala na naman ang sakit ulit. Bitbit ka naman ng anak, hiwalay ka naman. ‘Di ba, hindi madali 'yun. At walang magkakagusto na gano'n ang maging buhay, na maya't maya, nasasaktan ka," pagpapatuloy niya.
Giit ni Karla, ang kaniyang mga anak ay bunga ng pag-ibig.
“Sila lahat ay bunga ng pag-ibig. At walang nakakahiya roon. Kasi lahat naman tayo nagkakamali. At mas naging pansinin lang 'yung sa akin dahil ako'y isang artista,” anang actress-host.
Diretsahang sinagot ni Karla ang tanong ni Tito Boy kung kaya ba niyang mabuhay na walang lalaki.
“Ngayon, kaya kong sagutin ng yes. Kasi meron na akong apo,” sabi ni Karla, na tinutukoy si Claudio, anak ng kaniyang anak na si Carlito o JC.
Sanay na raw siya na mag-isa sa buhay, at natutuwang naipapasa ang kaniyang lahi.
“Naiiwan na ako mag-isa. Matagal na akong naiiwan mag-isa sa bahay. Actually, si Claudio ang nagpapabata sa akin. Kasi parang ang tingin ko, bunsong anak eh," saad niya. "I'm a happy person. I'm a joyful person. Lahat pinagtatawanan ko. That's third generation from me.” -- FRJ, GMA Integrated News
