Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, tinanong sina Marvin Agustin at Jolina Magdangal, na patok na love team noong 90's, kung TOTGA o "the one that got away" ba para sa kanila ang isa't isa?
Aminado si Marvin na nahihirapan siyang sagutin ang tanong.
"Kasi may asawa na si Jolina. Baka masapak ako," biro ni Marvin. "Ang hirap!"
"Sa ganda ng pinagsamahan namin, ang gusto ko na lang mangyari sa amin 'yung friendship..." dagdag niya, na hindi pa rin natapos ang sagot.
Si Jolina naman, nilagay sa konteksto ang "the one" bilang isang kaibigan na "very special."
"Puwede bang ilagay natin doon sa 'the one' ibig sabihin iyong kaibigan na very special? I think hindi, kasi hindi naman siya nawala. Nandiyan pa rin siya para sa akin kapag kailangan ko ng kasama," paliwanag ni Jolina patungkol kay Marvin.
Sinegunduhan ni Marvin ang sagot ni Jolina, at ni-relate ang kanilang sitwasyon sa kanilang movie na "Ex Ex Lovers," na itinuturing nilang dream project.
"Parang isa don sa mensahe sa pelikula is one of the best relationships is friendship. Hinding-hindi mawawala at maninimbang lagi 'yung pagkakaibigan niyo sa isa't-isa," sabi ni Marvin.
Tinanong din sila kung tumawid ang kanilang pagiging magkaibigan sa pag-ibig.
"Para siyang nag-jaywalking lang, tumatawid. Naging rollercoaster siya. Kind of somehow napag-usapan namin 'yan. And Tito Boy medyo mas gusto na rin namin 'yung nangyaring ganu'n," sabi ni Marvin.
"Marami kasing naging talagang mag-jowa tapos ang tindi ng pinag-awayan. Hindi mo na mapagsama ulit. Kami, nire-recognize namin na blessing na rin 'yon, kasi ngayon, gusto at kaya namin to work with each other," dagdag ng aktor.
"Never kaming nagkaroon talaga ng sobrang malalim talaga na pag-aaway na parang hindi na tayo magwo-work ulit. Ako, I enjoy Marvin's company," sabi naman ni Jolina.
Comeback movie nina Jolina at Marvin ang "Ex Ex Lovers" na tungkol sa isang dating magnobyo na sinusubukang maging mabuting mga magulang sa kanilang anak na babae habang pinagninilayan ang mga nangyaring pagkakamali sa kanilang relasyon.
Kasama nila sa pelikula sina Loisa Andalio, Juan Karlos, Judy Ann Santos, Mylene Dizon at iba pa. Sa Pebrero 12 na ang theatrical debut nito. --FRJ, GMA Integrated News
