Inihayag ni Mark Herras na walang masama sa ginawa niyang pagsasayaw sa isang gay bar na bahagi lang ng kaniyang trabaho.
Sa latest vlog ni Toni Gonzaga, sinabi ng Kapuso actor na pumayag siya sa alok na magtanghal sa Apollo Male Entertainment Bar sa Parañaque dahil isang paraan iyon para kumita siya.
"S'yempre inalam ko rin kung anong klaseng bar 'yan," ani Mark. "[It's a] gay bar, sasayaw lang, walang problema."
Para kay Mark, walang pinagkaiba ang pagtatanghal niya sa gay bar, gaya ng pagtatanghal niya sa ibang lugar, tulad sa mga TV shows at kapistahan.
"Dumating ako doon as performer talaga, as guest nila," saad ng aktor.
"Nagkataon lang na gay bar siya, what's wrong with it?" dagdag niya. "Hindi naman ako naghubad. I performed, I danced hip hop."
Hindi rin daw siya dapat kaawaan dahil ginagawa lang niyang magtrabaho para sa kaniyang pamilya.
"Nasa stage ako ng buhay ko na wala akong pakialam sa mga sinasabi nila," sabi ni Mark.
"Basta ako, [kapag] trabaho, OK ako," ayon sa aktor. "So noong in-offer-an ako sa Apollo, why not? Trabaho 'yun eh."
Nitong nakaraang Disyembre, inihayag ni Mark at Nicole Donesa, na masusundan na ang kanilang bunsong anak.
Naging bahagi noon si Mark sa GMA Afternoon Prime series na "Abot-Kamay Na Pangarap." —FRJ, GMA Integrated News

