Natigil ang pagkanta ng international singer na si Ed Sheeran sa gilid ng daan sa Bengaluru, India nang dumating ang mga pulis at paalisin siya sa lugar.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, malutong na "boo!" ang natanggap ng mga pulis mula sa mga tao nang patigilin niya si Sheeran sa pagkanta at pinapaalis.

Katwiran ng pulis, hindi puwedeng magtanghal sa naturang lugar ang singer dahil wala umano itong permit para mag-busking.

Wala nang nagawa si Sheeran nang ang mismong pulis na ang nagtanggal sa saksakan ng kaniyang mga gamit.

"I refused to give permission because Church Street gets very crowded. That is the reason he was asked to vacate the place," ayon kay Shekar T. Tekkannanavar, Bengaluru Police.

Bagaman may mga pumuna sa ginawa ng mga pulis, ipinagtanggol naman sila ng isang politiko sa India.

"Even global stars must follow local rules--no permit, no performance," saad sa post sa X ni P. Chikkamuni Mohan, na isang politiko sa India

Iginiit naman ni Sheeran may permit sila para magtanghal doon.

"We had permission to busk (by the way), hence us playing in the exact spot. [It] was planned out before. It wasn't just us turning up randomly. All good though," saad niya.

Sa kabila ng nangyari, natuloy ang major concert ni Sheeran kinagabihan sa Bengaluru.

Nasa India si Sheeran para sa kaniyang 15-day tour. Bago ang kaniyang concert sa Bengaluru, nanggaling na siya sa Pune, Hyderabad, at Chennai.

Matatanghal din siya sa Shillong at New Delhi, at pagkatapos ay pupunta naman sa China.-- FRJ, GMA Integrated News