Inihayag nina Jenn Rosa at Yen Durano kung papaano nilang pinoprotektahan ang kanilang sarili kapag gumagawa ng mga love scene sa kanilang mga pelikula.

Sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," sinabi ni Jenn na gusto niyang nararamdaman kung saang bahagi ng katawan niya humahawak ang kaniyang ka-partner sa eksena.

"Kapag during scene, ano talaga ako diyan, aware talaga ako. Kailangan ramdam ko kung saan nila ako hinahawakan, saan nila ako hinahalikan, para alam ko kung kailan ako aalma,” paliwanag niya.

Pagpapasalamat niya, wala pa man daw siyang naging kaeksena na nagsamantala sa kaniya.

Mahalaga rin umano na nagkakaroon ng pag-uusap ang kaniyang direktor at kasama niya sa eksena bago silang sumalang sa harap ng camera.

“Sobrang importante po nu'n, Tito Boy, lalo na sa magiging partner ko na mag-usap kami. Para at least, alam namin 'yung boundaries namin,” paliwanag ni Jenn.

Ganoon din kay Yen na kinakausap muna ang ka-eksena at direktor bago sila mag-take para alam nila ang kanilang boundaries.

“I'm very firm about my boundaries. So I have not experienced anything wrong during taping. Very professionals,” ayon kay Yen, na sinabi rin sa naturang panayam na umalis na siya sa paggawa ng sexy movies sa Vivamax para tutukan ang kaniyang singing career.

Bagaman walang naranasang pambabastos sa shooting ng pelikula, inilahad naman ni Jenn na minsan na siyang nabastos sa isang dinaluhang event nang mag-host siya sa isang club.

“Before the pandemic happened, I was hosting at a club that I will not name. There was an instance where they grabbed my butt. Gusto ko sana manapak or gusto ko manakit, hindi ko mahanap kung sino," ayon kay Jenn.

“I don't wanna just punch somebody I don't know, that I'm not sure of so I just had to let it go, I had to be strong na lang," dagdag niya.

Wala rin umano nangyari kahit nagreklamo siya sa pamunuan ng club. -- FRJ, GMA Integrated News